Dampi

Ang bango-bango ko sa pang-amoy

ng dalawa kong ama


Dalawa, dalawa lang kami

ni Kuya


Buo ang buntot ko

kulay abo at mahaba


Habang ang kahel na

buntot ng kapatid ko

ay putol na parang tisa


na laspag na pagdating

ng Biyernes at

pinatatakam ang pisara


Ang bango-bango ko sa pang-amoy

nila


Ang balahibo kong kulay

abo, itim, at puti

ay sing-kinang ng iyaking

mga mata


Balingkinitan ang aking

katawan

perpekto sa mata ng lipunan


Habang ang kay Kuya naman

ay magulong mga hibla

nakapulupot sa mataba

niyang katawan

tila marungis na gintong

milyones ang halaga


Ang bango-bango ko sa pang-amoy

nila


Dahil ang mga halik

ng mababantot nilang mga labi

ay sa balahibo lamang

ng kapatid ko dumadampi


xxx

Post a Comment

Previous Post Next Post